Tsinoy trader, arestado sa pekeng hardware products

Inaresto ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isang Chinese trader dahil sa umano’y pagbebenta nito ng mga pekeng hardware products sa Pedro Gil, Paco, Manila.

Kinilala ng NBI ang suspect na si Eduardo Chua, may-ari ng Paco Asia Plumbing Hardware na matatagpuan sa 1156 Pedro Gil, nabanggit na lungsod.

Inaresto ang suspect makaraang ireklamo ito ng kapwa Chinese trader na si John Ong, manager ng Stanly Work Sales Philippines.

Naghain ng reklamo si Ong laban kay Chua makaraang madiskubre na nagtitinda ang huli ng mga pekeng hardware products na may tatak na ‘Stanly.’

Nabatid na ang pag-aresto kay Chua ay bunga na rin ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 24 Judge Antonio Eugenio.

Nasamsam mula sa posesyon ni Chua ang iba’t ibang pekeng hardware products, dahilan upang arestuhin ito at sampahan ng kasong paglabag sa Intellectual Rights and Property Law o paglabag sa Republic Act 8293. (Grace Amargo-dela Cruz)

Show comments