Negosyanteng Intsik binoga sa ulo, patay

Agad na nasawi ang isang 22-anyos na negosyanteng Intsik matapos barilin sa ulo nang malapitan ng isang di-nakilalang suspect sa loob ng binabantayan nitong tindahan, kahapon ng hapon sa Qiuapo.

Nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa sentido ang biktimang si Tan Beng, alyas Any, ng #156 2nd Avenue, Caloocan City.

Inilarawan naman ang nag-iisang nakatakas na suspect na nasa 5’6’’ ang taas, payat, maitim, nakasumbrero, pantalon at t-shirt.

Ayon sa saksing si Francis Jareno, stay-in helper sa electronic shop sa #208 Quezon Blvd., Quiapo, Manila, dakong alas-2:35 ng hapon nang maganap ang pamamaslang sa among si Tan sa loob ng tindahan.

Sinabi nito na huli niyang nakitang may kausap na babaeng Intsik ang kanyang amo bago siya lumabas ng tindahan. Dito niya nakita ang suspect na pumasok ng tindahan ngunit hindi niya pinansin dahil sa pag-aakalang kustomer lamang ito.

Makalipas ang ilang sandali, nakarinig siya ng isang putok ng baril at saka nakitang takot na lumabas ang kapwa empleyado na si Maricel Tamayo kasunod ang suspect na mabilis na tumakas.

Ayon sa pulisya, nabatid na pinasok ng limang holdaper ang naturang tindahan kamakalawa ng gabi kung saan tinangay ang hindi mabatid na salapi. Naiulat lamang umano ang insidente kahapon lamang ng umaga.

Isa sa tinututukang posibilidad ang anggulo na posibleng nakarating sa kaalaman ng mga holdaper ang pag-uulat ni Tan sa naganap na holdap at binalikan ito. Sa kabila nito, hindi naman isinasara ng pulisya ang iba pang anggulo sa naturang krimen. (Danilo Garcia)

Show comments