Wanted na rapist, timbog

Arestado ang isang wanted na rapist na gumahasa sa isang 4-anyos na anak ng kanyang nobya sa Marikina kahapon ng umaga sa Caloocan City. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Alice C. Guttierez ng RTC Branch 193 ng Marikina City nadakip ang suspect na si Alvin Salazar, 24. Si Salazar ay sinasabing suspect sa panghahalay sa anak ng kanyang nobyang si Marina Costales makaraang inguso ito sa pulisya ng kanyang mga kapitbahay habang nagkukuta sa Block 37-M Lot 5 Phase 3, Bagong Silang Caloocan City. (Rose Tamayo-Tesoro)
Aktor na si Danilo Barrios, sugatan sa aksidente
Sugatan matapos bumangga sa isang ten wheeler truck ang aktor na si Danilo Barrios, 24, kahapon ng madaling araw sa Pasay City. Si Barrios ay ginagamot ngayon sa Makati Medical Center, habang ang driver ng truck na nakilalang si Dennis Cejas, 30, ay nasa kustodya na ng pulisya. Ayon sa ulat, minamaneho ni Barrios ang kanyang Mitsubishi Lancer Wagon na may plakang XNG-452 dakong alas-4 ng madaling araw sa may Access Road sa panulukan ng Merville Avenue sa Pasay City nang hindi nito namalayan ang paparating na ten wheeler truck kung saan sumalpok dito ang kanyang sasakyan at bahagyang nasugatan. (Lordeth Bonilla)
4 na karnaper, arestado
Apat na hinihinalang mga karnaper ang nadakip ng pulisya sa isinagawang malawakang operasyon kamakalawa sa Parañaque City. Nakilala ang mga suspect na sina Thomas Lopez; Allen Wagan; Erick dela Cruz, 26 at Rolando Baao, 18. Nakilala naman ang isa sa kanilang naging biktima na si Allan Chua. Base sa rekord ng pulisya, natunton ang pinagkukutaan ng mga suspect sa may Aguana St., Brgy. Baclaran, Parañaque City. (Lordeth Bonilla)

Show comments