Nasawi noon din ang suspect na nakilalang lamang sa alyas na John na nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Nasa kritikal namang kondisyon ang isa pa nitong kasamahan na ginagamot sa Parañaque City Community Hospital na nakilalang sina Jopel Gayon na nagtamo rin ng ilang tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa Kilometer 18 ng East Service Road, Brgy. San Martin de Porres ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na naaktuhan ng mga tauhan ng pulisya ang ginagawang panghoholdap ng mga suspect sa mga pasahero sa isang jeep.
Nabatid na ilang linggo nang nagsasagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Parañaque City Police sa naturang lugar makaraang makatanggap sila ng sunud-sunod na reklamo na talamak umano ang holdapan dito.
Natiyempuhan ng mga pulis ang mga suspect na sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa sa mga awtoridad.
Napilitan ang mga pulis na makipagpalitan ng putok sa mga suspect na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa mga ito at pagkasugat sa isa pa.
Mabilis namang nakatakas ang dalawa pang suspect.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation laban sa mga tumakas na suspect. (Lordeth Bonilla)