CIDG official dedo sa ambush

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang isang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame habang nagpapagasolina kahapon ng madaling-araw sa Cubao, Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Quirino Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa mukha, leeg at dibdib ang biktimang si Inspector Danilo Sarmiento, 51 at naninirahan sa Ma. Elena St., Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO4 Cris Bajao ng CID ng Quezon City Police District naganap ang krimen sa panulukan ng 20th Avenue at P. Tuazon St., sa Cubao dakong alas-2 ng madaling-araw.

Nabatid na lulan ng kanyang kulay berdeng Toyota Revo na may plakang XJC-453 ang biktima kasama ang isang babae na nakilalang si Inspector Roselie Regel nakatalaga din sa CIDG at nagpapakarga ng gasolina sa Shell Station sa panulukan ng 20th Avenue at P. Tuazon St. sa Cubao, Quezon City nang biglang sumulpot ang dalawang armadong lalaki lulan ng motorsiklo.

Dito agad na pinaputukan ng mga suspect ang sasakyan at tinarget mismo si Sarmiento na naging sanhi ng kamatayan nito.

Ayon sa pulisya, malaking katanungan sa kanilang isinasagawang imbestigasyon kung bakit hindi na nagpakita o nakipag-ugnayan man lang sa pulisya ang kasama nitong si Inspector Regel para magbigay ng detalye tungkol sa naganap na krimen.

Hindi pa ma-establish ng pulisya ang motibo sa pagpaslang.

Masusing sinisiyasat ng mga awtoridad ang mga nakuhang baril sa loob ng sasakyan ni Sarmiento na kinabibilangan ng armalite, apat na Beretta automatic at M-16 rifle.

Ilan din sa mga personal na gamit na nakuha sa crime scene ay ang 20 piraso ng $100 bills, walong passbook, ATM at credit cards, dalawang cellphone at telescope.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na matagal nang alam ng mga suspect ang kilos at mga lugar na pinupuntahan ng biktima. (Doris Franche)

Show comments