Kuya binoga ni utol

Agaw-buhay ang isang 23-anyos na kuya makaraang barilin ito ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki makaraang magkapikunan sa gitna ng inuman, kahapon ng madaling araw sa Taguig City.

Ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktimang nakilalang si Erick Esteban, na nagtamo ng tama ng bala ng shotgun sa katawan.

Nadakip naman ang nakababatang kapatid nito na si Joseph Esteban, 22, na nahaharap sa kasong frustrated parricide.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng madaling araw sa loob ng bahay ng magkapatid sa 22 Champaca St., Brgy. Western Bicutan, Taguig City.

Nabatid na nag-iinuman ang magkapatid hanggang sa magkaroon ng pagtatalo sa hindi pa malamang dahilan, mabilis na tumayo sa kinauupuan ang suspect na si Joseph at kunuha ang nakatagong shotgun at saka ipinutok sa kanyang kuya.

Mabilis na isinugod ng kanilang kaanak sa pagamutan ang biktima, habang agad namang naaresto ang suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments