Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa likod ang biktimang si Jorda Yerro, 16, second year high school at residente ng #4382 Daang Bakal St., sa pagitan ng Batangas at Laguna Ext., Tondo.
Samantala, kasalukuyan namang ginagamot ang kasama nitong si Mark Anthony Paz, 18, second year student at residente ng #1100 Old Antipolo ng nasabing lugar na nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng katawan nito.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect na nakilala lamang sa mga alyas na Epok, at armado ng isang hindi malamang kalibre ng baril, isang alyas Jayson, 22, armado ng kalibre .38 baril at alyas Errol, 20; pawang miyembro umano ng Original Brown Style fraternity at mga residente ng Narra cor. Batangas St., Tondo.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Benito Cabatbat ng Manila Police District (MPD) Homicide Division, bandang ala-1:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng delos Reyes at Laguna Extension.
Bago umano naganap ang insidente ay nagkayayaan sina Yerro at Paz na manood ng isang dance contest sa basketball court malapit sa Molave St. subalit habang nanonood ay bigla umanong nagkainitan ang grupo ng mga biktima at ng mga suspect hanggang sa magkaroon ng rambulan.
Naawat din naman ito ng ilang mga nakasaksing residente subalit lingid sa mga biktima, habang papauwi na sila ay sinundan sila ng mga suspect at pagsapit sa delos Reyes St. ay hinarang sila ng mga ito at saka pinagbabaril.