Nabatid mula sa reklamong isinampa ng BIR sa DoJ, hindi umano dapat na lusot sa buwis ang mga kinita ng Pajero Lady na si Ma. Lourdes Ramos de Guzman kahit pa man ito ay galing sa mga ilegal na gawain.
Ayon sa BIR, si De Guzman ay isang one-time taxpayer o nagkaroon lamang ng isang transaksiyon ng pagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Iginiit ng BIR na kahit pa pinaniniwalaang galing ang pera ni De Guzman sa mga ilegal na gawain na siyang pinambibili nito ng mga mamahaling sasakyan ay kinakailangan pa rin nitong ideklara ang nasabing kita.
Sa rekord ng BIR, mula 2003-2004 ay nakabili si De Guzman, kilala rin bilang Malou de Guzman, Josephine Garcia at Mary Josephine Garcia, ng mga luxury cars tulad ng Ford Escape, Pajero, Starex, Jaguar, Mercedes Benz at iba pa.
Nadiskubre ng BIR na hindi man lamang umano nagbayad o nag-file ng anumang tax return ang tinawag na Pajero Lady sa naturang dalawang taon sa kabila ng pagbili ng mga nabanggit na luxury cars.
Sa pagkalkula ng BIR, aabot sa mahigit sa P3.3 milyon ang kabuuang halaga ng mga biniling sasakyan ni De Guzman noong 2003 at mahigit naman sa P8.3 milyon sa 2004.
Dahil ditoy umaabot sa P6.4 milyon ang kabuuang tax liability ni De Guzman para sa nabanggit na dalawang taon.
Bukod sa tax evasion case ay ipinagharap din si De Guzman ng dalawang ulit ng kasong failure to file returns para sa nasabing mga taon. (Grace dela Cruz at Angie dela Cruz)