Batay sa ebidensiya ng pulisya, apat na putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng bangko at hindi isang putok lamang na tumama sa ulo ng biktimang si Ruben Cruz, 36, assistant manager sa BPI Katipunan Branch at naninirahan sa Teachers Village sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa pulisya, posibleng kilala ng biktima ang mga suspect na nakaalitan nito hanggang sa magkaroon ng pagtatalo na humantong sa pamamaril.
Maaaring tinakot muna ng suspect ang biktima na nagpaputok ng ilang ulit hanggang sa ang huli ay sa ulo na ng biktima ipinutok.
Imposible rin umanong hindi marinig ng mga security guard ang putok ng baril na nagmula sa loob ng bangko.
Bukod dito, nagtataka rin ang pulisya kung bakit malinis na ang .38 baril na umanoy ginamit ng biktima nang datnan ng mga tauhan ng QC-SOCO.
Kaugnay nito, ilang security guard ang isinailalim sa imbestigasyon at nakatakdang i-polygraph ng pulisya.
Nabatid na maging ang pamilya ni Cruz ay hindi matanggap na nag-suicide ito bagamat hinihintay pa rin nila ang resulta ng imbestigasyon. Lumilitaw pa na nakatakda sanang mag-out of town ang pamilya ng biktima na mismong ang nasawi pa ang namili ng lugar na kanila sanang pupuntahan bago ito makitang patay. (Doris Franche)