Imbakan ng shabu sa sementeryo, ni-raid

Sinalakay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang nadiskubreng imbakan ng shabu sa loob ng Manila North Cemetery na nagresulta sa pagkakaaresto sa walo katao kahapon ng umaga.

Nakatakas naman ang sinasabing notoryus na supplier at pinuno ng sindikato ng droga na si Bong Zapata, alyas Bong Bingi na siyang tunay na target ng operasyon.

Nadakip ang mga galamay nito na nakilalang sina Marissa Ranolo, 30; Rebecca Zapata, 42; Anna May Zapata, 23; Randy Sabado, 18 at isang 16-anyos na itinago sa pangalang Jane. Tatlo pa ang hindi rin ibinigay ang pangalan.

Sa ulat ng MPD-Station 3, isinagawa ang operasyon dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa itinayong bahay na pag-aari ni Zapata sa may 12th St., North Cemetery, Sta. Cruz, Manila sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Antonio Eugenio ng Manila RTC branch 24.

Ang raid ay isinagawa matapos ang ilang linggong surveillance ng Station Anti-Illegal Drugs kung saan nakumpirma ang ilegal na operasyon sa pagsusuplay ng shabu ni Zapata sa mga lugar sa Maynila, Quezon City at Caloocan City.

Nabatid na nagawang makatakas ni Zapata matapos na agad na matimbrehan ng mga istambay sa loob ng sementeryo at sa pamamagitan ng video surveillence na ikinabit ng sindikato sa naturang lugar.

Napilitan pang gumamit ang mga pulis ng acetylene torch dahil sa nakakandadong bakal na gate ng bahay ngunit huli na upang madakip si Zapata na mabilis na nakapuslit sa likurang pintuan ng bahay.

Nasamsam sa lugar ang mga shabu na aabot sa halagang P240,000; tatlong surveillance camera at ibat-ibang shabu paraphernalias.

Dahil dito, ipinag-utos ni Manila Mayor Lito Atienza ang pagpapagiba sa mga bahay sa loob ng North Cemetery dahil sa ginagawa itong lungga ng mga masasamang loob at mga sindikato. (Danilo Garcia)

Show comments