Kinilala ni Supt. Roger James Brillantes, hepe ng QCPD-DIID ang mga dinakip na sina Cairoden Nanak, 44, negosyante at Alvin Cadongog, 27 kapwa residente ng Lot 3 Blk. 11 Longfield Subdivision, Novaliches, Q.C. at Jomar Cusain, 23 ng no. 442 Welfareville Subdivision, Mandaluyong City.
Lumilitaw sa report na dakong alas-7:30 ng gabi nang magkasundo na magkita sa isang fastfood chain sa Philcoa ang mga suspect at si PO3 Reynaldo Yap na nagpanggap na buyer.
Naghihintay naman ng senyas mula kay Yap sina Insp. Dante Yang at PO3 Noel Fabia.
Nang ipinakita ni Nanak ang ibinebentang baril na cal. 22 revolver, agad namang sumenyas si Yap sa mga kasamahang pulis hanggang sa madakip ang mga ito .
Nabatid na bukod sa baril, nagbebenta din ng shabu ang mga suspect matapos na makuha sa bulsa ni Cadongog ang 100 gramo ng shabu at isang mini digital scale naman sa bulsa ni Cusain.
Ayon pa kay Brillantes matagal na nilang minamanmanan ang mga suspect na nagsasagawa ng transaksyon sa lungsod hanggang sa isagawa ang buy-bust operation laban sa mga ito.
Ang mga ito ay sasampahan ng paglabag sa PD 1866 at RA 9165 sa Quezon City Prosecutors Office. (Doris Franche)