Kidnapper ng mga paslit, arestado

Sasampahan ng kasong child trafficking ang isang lalaki na hinihinalang miyembro ng isang sindikato na kumikidnap ng mga bata at ibinebenta sa mayayamang pamilya na walang mga anak matapos na ma-rescue ang tatlong paslit niyang biktima sa Parañaque City, kamakalawa.

Pinaniniwalaang sangkot din ang suspect sa sindikato na nagbebenta ng mga laman-loob ng bata.

Kahapon iprinisinta ni SPD director Chief Supt. Wilfredo Garcia ang suspect na si Ruben Basario, 38, ng Purok II Brgy. Upper Bicutan, Taguig City.

Na-rescue naman mula sa kamay ng suspect ang mga biktimang sina Melvin Quintin; Shelwie Adaya, kapwa 5-anyos at Jessica Adaya, 7, pawang naninirahan sa PNR Rail Site sa Brgy. San Martin de Porres, Parañaque City.

Base sa rekord ng pulisya, naganap ang pangingidnap sa mga biktima dakong alas-3 ng hapon sa nabanggit na lugar habang naglalaro ang mga paslit nang dumating ang suspect kasama ang isang hindi pa kilalang lalaki.

Nagpapasama pa umano ang suspect sa mga bata sa tupadahan subalit tumanggi ang mga paslit kung kaya’t inalok ng suspect ang mga ito ng kendi at softdrinks. Dahil dito, nakumbinsi ang mga bata na sumama.

Napansin naman ito ng ilang residente doon kaya’t agad na ipinagbigay-alam nila sa mga magulang ng bata at sa pulisya.

Mabilis ang naging responde hanggang sa ma-rescue ang mga bata.

Malaki ang hinala ng pulisya na si Basario ay miyembro ng sindikato na nagbebenta ng mga bata sa mga mayayamang mag-asawa na walang mga anak. Posible din umanong sangkot ito sa sindikato na nangunguha ng mga laman-loob ng mga paslit na ibinebenta rin nila.

Patuloy ang isinasagawang interogasyon sa nadakip na suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments