Ang babala ay ginawa ng departamento matapos maitala ang may kabuuang 113,379 katao na naging biktima nito noong nakalipas na taon. Mga batang may edad 15-anyos pababa ang iniulat na nakagat ng mga asong ulol na may taglay na rabies noong nakalipas na taon.
Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque na sa kabuuang 113,379 ay 270 sa mga ito ang nasawi dahil na rin sa pagwawalang-bahala ng kanilang mga kapamilya at magulang.
Idinagdag pa ni Duque na tumataas ang insidente ng animal bite sa tuwing sumasapit ang buwan ng Marso at Abril kung saan ay walang pasok ang mga batang mag-aaral sa kani-kanilang mga paaralan.
Aniya, nagkakaroon umano ng mahabang oras ang mga bata para makipaglaro sa kanilang mga alagang aso at pusa sa tuwing sumasapit ang araw ng bakasyon.
Tinukoy ng DOH National Rabies Prevention and Control Program (NRPCP) ang apat na lugar sa bansa na nangunguna sa pinakamaraming nasawing bata dahil sa animal bite. Ito ay ang Bicol region na may 38 katao ang nasawi; sa Central Luzon ay nakapagtala ng 35 ang namatay; Western Visayas ay 30 at Calabarzon ay 23.
Bagamat marami rin ang insidente ng animal bite sa Metro Manila ay kaagad namang nadadala sa pampublikong pagamutan ang mga biktima tulad ng San Lazaro Hospital sa Maynila, Bureau of Animal Industry sa Quezon City at Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang.
Ayon pa kay Sec. Duque, puspusan ang isinasagawang kampanya ngayon ng DOH hinggil sa panganib na hatid ng rabies at hindi umano dapat ipagwalang-bahala ng publiko sa halip ay pinapayuhan na agad na magtungo sa mga pagamutan sa oras na may miyembro ng pamilya na nakagat ng aso o pusa.