Kuya binoga ni utol

Isang 27-anyos na maintenance employee ang binaril ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki matapos magtalo at mag-agawan ang mga ito sa mga mahahalagang kagamitan na naiwan ng kanilang kapatid na babae, kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Nilalapatan ng lunas sa Muntilupa City Medical Center ang biktimang si Joverdean Javier, binata ng Block 47, Lot 35 Soldier Hills Village, Brgy. Putatan, Muntinlupa City. Nagtamo ito ng tama ng bala sa kanang balikat malapit sa dibdib buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Mabilis namang tumakas ang suspect na si Jary John Javier, 18, ng Bagong Sibol, Lakeview Homes ng nabanggit na barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na pinuntahan ng suspect ang kanyang kuya upang komprontahin ito tungkol sa mga mahahalagang kagamitan na naiwan ng kanilang kapatid na babae.

Nagtalo ang dalawa hanggang sa nakahagilap ang suspect ng isang baril at pinaputukan ang kanyang kuya.

Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments