Bebot tinarakan sa leeg

Nakatarak pa sa leeg ang kutsilyo nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae na hinihinalang hinoldap ng mga kriminal na namumugad sa Port Area, Manila kamakalawa ng gabi.

Patuloy na kinikilala ngayon ng mga imbestigador ang babaeng biktima na nasa pagitan ng edad 20-25 anyos, nasa limang talampakan ang taas, maputi at nakasuot ng maong na pantalon at kulay rosas na blouse.

Sa ulat ng MPFD-Homicide Section, unang namataan ang biktima na mag-isang naglalakad sa may Baseco Compound, Port Area, Manila.

Dakong alas-11:30 nang matagpuan ng mga nagrorondang barangay tanod ang bangkay ng biktima sa may tambakan sa Block 1 ng Baseco.

Hinihinala ng pulisya na posibleng hinarang ng holdaper o ng isang manyakis ang biktima at kinaladkad patungo sa lugar na kinatagpuan ng bangkay nito.

Patuloy naman ngayong nananawagan ang pulisya sa mga kaanak ng biktima na kilalanin ito habang inaalam din kung pinagsamantalahan ang biktima bago pinaslang. (Danilo Garcia)

Show comments