Junkshop nilooban: 2 patay

Pinagbabaril hanggang sa napatay ang dalawang katao kabilang ang isang negosyante matapos na looban ang pag-aari nitong junkshop ng dalawang hindi nakikilalang lalaki, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Nasawi noon din ang mga biktima na nakilalang sina Nher Devina, 45, may-ari ng Linis Ganda Junkshop na matatagpuan sa 2312 F.B. Harrison St., Pasay City at Jojo Santos, 31, ng Intramuros, isang scavenger sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Ayon kay PO3 Allan Valdez, ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay City Police, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga sa loob ng nasabing junkshop.

Ayon sa testigong si Leo Babiano, 39, tauhan ng junkshop, kasalukuyan siyang nagtitimbang ng bakal ng makita niyang binabaril ng dalawang hindi nakilalang mga suspect ang mga biktima.

Unang tinamaan si Santos kasunod ang negosyanteng si Devina na kararating lamang sa pag-aari niyang junkshop ng oras na yon.

Matapos ang isinagawang pamamaril kinuha ng mga suspect ang kuwintas at bag na hawak ng trader bago nagsitakas sakay ng isang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka. Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa mga suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments