Kinilala ang nasawi na si Carl Michael Ilagan, habang kasalukuyan namang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong 3rd degree burn sa katawan ang ina nitong si Rizalina Ilagan, 26.
Ayon kay Supt. Antonio Razal Jr., hepe ng Bureau of Fire Protection ng Marikina City, dakong alas-3:38 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng mga Ilagan sa IVY Compound na matatagpuan sa Blk. 39 Lot 7 Gen. Ordoñez St., Brgy. Marikina Heights ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman kina Romulo at Benedicto Ilagan, kapwa kapatid ni Rizalina, na nag-iinuman sila kasama ang apat na kaibigan sa labas ng bahay nang bigla nilang mapansin na nag-aapoy na ang ikalawang palapag ng bahay kung saan natutulog ang mag-ina.
Subalit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa buong kabahayan at sobrang pagkataranta ay tanging si Rizalina lang ang kanilang nailabas at naiwanan si Carl Michael.
Nakita ng mga bumbero ang bangkay ng bata sa unang palapag na ng bahay at natatabunan ng gumuhong hagdan.
Wala namang nadamay na iba pang kabahayan sa nasabing sunog na naideklarang fire-out eksaktong alas-5 ng umaga.
Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat sa insidente at hindi pa matiyak kung ano ang pinagmulan ng sunog. (Edwin Balasa)