Si Crisano ay inireklamo ni Allan Chanliongso, may-ari ng Industry Bar sa Tomas Morato sa nasabing lungsod sa himpilan ng pulisya sa Station 10 ng CPD.
Ayon sa kanya, pasado alas-3 ng madaling-araw nang pumasok si Crisano na lasing sa loob ng naturang bar at biglang nagwala sa dance floor nang makita ang dating lover na si Ethel Booba na nagsasayaw kasama ang ilang kaibigan.
Nagkaroon umano ng komprontasyon ang dalawa at sa gitna mismo ng dance floor nag-away. Ang naturang eksena ay nagsanhi upang matakot ang ibang kostumer sa bar at nag-alisan.
Tinangka umanong awatin ng guwardiya sa bar ang dalawa ngunit hinampas pa umano ito ni Crisano ng dala ng una na logbook.
Habang iniimbestigahan ay dumating din sa presinto si Benjo Dizon, may-ari ng Kalye Juan and Grill dahil nagwala rin umano ang basketbolista sa kanyang bar na ikinawasak ng iba niyang gamit. (Angie dela Cruz)