Taxi driver hinoldap na, pinatay pa

Nakaposas ang magkabilang kamay at may tama ng bala sa ulo nang matagpuan ang isang taxi driver na pinaniniwalaang biktima ng hinoldap kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa biktima dahil tinangay ng mga salarin ang wallet nito maliban sa nakuhang traffic violation ticket na nakapangalan sa isang Wilfredo Garcia .

Nabatid sa ulat ng pulisya na dakong alas-11 ng gabi nang matagpuan ang wala nang buhay na biktima sa loob ng kanyang minamanehong Cynthia Joy FX taxi na nakaparada sa Dinar St., North Fairview, Quezon City.

Ayon sa ilang testigo, dalawang magkasunod na putok ng baril ang kanilang narinig at ng pupuntahan na nila ang pinagmulan nito ay nakita nila ang dalawang lalaki na tumatakbong palayo sa naturang lugar.

Nang tunguhin nila ang lugar ay doon tumambad sa kanila ang duguang biktima na may tama ng bala ng baril sa batok habang nakaposas ang dalawang kamay.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito. (Angie dela Cruz)

Show comments