Kahera ginilitan ng selosong lover

Dahil sa selos pinatay sa pamamagitan nang paglaslas sa leeg ang isang 24-anyos na kahera ng kanyang live-in partner na pagkatapos ay naglaslas din ng leeg ang huli, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Namatay noon din sanhi ng grabeng pinsala sa leeg ang biktimang si Ronalyn dela Cruz, kahera sa isang panaderia, habang nasa kritikal namang kondisyon sa Pasig City General Hospital ang suspect na si Alfredo Salig Jr., 26, live-in partner ng una na nagtangka ring magpakamatay sa pamamagitan nang paglaslas sa kanyang leeg. Ang dalawa ay kapwa naninirahan sa Blk. 2, Lot 2 B-41 Rodrigo Compound, Brgy. Pinagbuhatan ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Felipe Ramos, dakong alas-6:30 ng gabi ng matagpuan ang mga duguang katawan ng dalawa sa parteng kusina ng tinitirhan nilang bahay.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang insidente ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-live-in partner dahil sa patuloy na paghihinala ng lalaki na may ibang kinalolokohan ang nasawi.

" Laging nagseselos yung lalaki, hinala kasi niya may ibang kinalolokohan yung live-in partner niya, tapos wala pa siyang trabaho kaya lagi lang siyang nasa bahay, samantalang yung babae laging nakaayos kasi pag pumapasok sa trabaho" pahayag ni SPO2 Ramos.

Dagdag pa ni Ramos na posibleng nauwi sa mainitang komprontasyon ang pagtatalo ng dalawa hanggang sa magdilim ang isip ng suspect at nakahagilap ng patalim dahil sa kusina sila nag-away. Nilaslas umano ng lalaki ang leeg ng kinakasama at nang humandusay itong duguan ay nagpasya na rin ang lalaki na laslasin din ang kanyang leeg at magpakamatay.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

Show comments