Anak ni Mark Gil nanapak ng band member

Inireklamo kahapon ng isang band member ang anak ng aktor na si Mark Gil matapos na sapakin siya nito sa loob ng isang bar, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa loob ng Bubble Gang Toppings sa may Katipunan Avenue, Quezon City dakong ala-1:30 ng madaling-araw.

Ayon sa biktimang si Miguel Crisostomo Alcaraz, 21, ng Xavierville Subd., Loyola Heights, Quezon City at miyembro ng Chicosci band, bigla na lamang umano siyang nilapitan ni Timothy Eigenman, anak ng aktor habang nakaupo at nag-eensayo para sa kanilang number.

Sa puntong ito, agad umano siyang sinuntok ni Eigenman sabay sabing "no hurt feelings". Sinabi pa ng biktima na matapos na manapak sa kanya si Eigenman ay kinaladkad pa siya nito pababa ng hagdan ng naturang bar at pagtakapos ay mabilis na tumakas.

Sinasabing ang nobya umano ni Eigenman ay dating kasintahan ni Alcaraz ng may apat na taon at posibleng selos ang sanhi nang pananapak ng anak ng aktor sa naturang band member. (Angie dela Cruz)

Show comments