Death anniversary ni Da King, dinagsa

Dinagsa ng libu-libong mga tagahanga at supporters ng yumaong aktor at Presidential candidate Fernando Poe, Jr. ang paggunita sa unang taong anibersaryo ng pagkamatay nito kahapon ng umaga sa Manila North Cemetery.

Dakong alas-7:15 ng umaga nang pangunahan ng biyuda ni Da King na si Susan Roces-Poe ang misa sa Sto. Domingo church. Kasabay din ang misa sa North Cemetery.

Nabatid na mula sa lalawigan ng Pangasinan, Rizal, Marawi City at Lanao del Sur ang mga supporters ni Da King na nagbigay din ng panalangin sa unang taong pagkamatay ng Hari ng Pelikulang Pilipino. Dumating din sina Makati Mayor Jejomar Binay bilang kinatawan ng United Opposition.

Samantala, hindi naman nagbigay ng anumang komento ang biyuda ni Da King hinggil sa itinatag na Revolutionary Transition Government ni dating Defense Secretary Fortunato Abat subalit kinukuwestiyon nito ang sistema ng mga checkpoints na isinasagawa ng PNP sa lansangan. (Danilo Garcia)

Show comments