Sindikato ng pekeng dolyares, nabuwag

Pinaniniwalaang nabuwag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sindikato na gumagawa ng pekeng dolyares at treasury notes matapos na maaresto ang dalawang miyembro nito sa isang operasyon sa Las Piñas City.

Nakilala ang mga nadakip na suspect na sina Felizardo Boizer, 44 at Francisco Imperial, 62.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa aktibidades ng isang sindikato na gumagawa ng pekeng dolyares, treasury notes, federal reserve notes, Wells Fargo at ibang pera ng ibang bansa.

Agad na nakipag-ugnayan ang NBI sa sindikato kung saan nakipagkasundo sa pagbili ng walong bungkos ng US$100 na may kabuuang halagang 80,000 dolyar.

Dakong alas-8 ng gabi, nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa isang mall sa Las Piñas kung saan nadakip ang dalawang suspect.

Nabatid na matagal nang nag-ooperate ang naturang sindikato at marami nang nabiktimang mga negosyante. Malakas umano ang operasyon ng mga ito sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Nakaditene ngayon sa NBI detention cell ang mga suspect at nahaharap sa kasong estafa at illegal possession/ use of falsified treasury notes. (Danilo Garcia)

Show comments