Karpintero patay sa manugang

Isang karpintero ang pinatay sa saksak ng kanyang manugang matapos na mapahiya ang huli sa ginawang pang-iinsulto ng una, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Hindi na umabot nang buhay sa Las Pinas District Hospital ang biktimang si Russel Sitjar, 49, sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.

Tumakas naman ang suspect na si Richard Election, 27, isang construction worker matapos ang isinagawang pananaksak.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa loob ng bahay ng magbiyenan sa Saint Vincent Homes, Mapayapa Village, Brgy. Pulang Lupa 1, Las Piñas City.

Magkaharap na nag-iinuman ang biktima at suspect at nang kapwa malasing ay nagkaroon ang mga ito ng pagtatalo.

Naawat naman ang dalawa, hanggang sa umalis ang suspect at pagbalik ay may dala nang patalim at saka inundayan ng sunud-sunod na saksak ang kanyang biyenan.

Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments