Lotto winner kinidnap

Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa umano’y pagdukot sa isang lotto winner at kanyang pamilya nang hindi na sila makauwi matapos na kunin ang napanalunan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Quezon City.

Sa ulat ng NBI-Special Action Unit, dumulog sa kanila si Francisco Hernandez, 68, at iniulat ang pagkawala ng kanyang apo na si Erwin Namia, 30, ng Norzagaray, Bulacan, ang asawa nitong si Virgie at dalawang anak.

Kinasuhan nito ang mga kapitbahay na sina Danilo at Nestor Joaquin kasama ang siyam pa nilang mga kapitbahay na hinihinalang kumidnap sa mga biktima.

Sa salaysay ni Hernandez, sinabi nito na lumuwas sa Maynila ang buong mag-anak upang kunin ang napanalunan nila sa lotto noong Setyembre 13 draw na P39.5 milyon. Kalahati ito ng jackpot sa araw na iyon na P79 milyon at dalawa ang nanalo.

Upang paniwalaan siya ng NBI, nagdala pa si Hernandez ng photocopy ng lotto ticket na may numerong 05-37-07-03-04-35 at kopya rin ng diyaryo na nagsasaad na ito ang winning numbers sa naturang petsa.

Nabalitaan umano ng mga kapitbahay nila ang pagkapanalo ng pamilya ng biktima at nagboluntaryo ang mga ito na sasamahan sila sa PCSO sa pagkuha ng naturang premyo noong Setyembre 29.

Naghinala na si Hernandez nang hindi na makabalik sa kanilang lugar ang pamilya ng kanyang apo at ang kataka-takang pagkakaroon ng malaking pera ng mga kapitbahay. Sinabi nito na gumastos umano sina Joaquin ng P50,000 sa casino at umabot sa P80,000 ang nagagastos sa paglabas-labas sa gabi.

Kinompronta naman ni Hernandez ang mga kapitbahay ngunit idinahilan umano sa kanya na dumiretsong umuwi sa Bicol ang pamilya Namia at balato lamang sa kanila ang kanilang ginagastos. (Danilo Garcia)

Show comments