Dahil sa aso kelot todas sa tambay

Dahil lamang sa aso pinagpapalo at napatay ang isang 33-anyos na lalaki ng isang tambay nang maasar ang huli makaraang bugawin ng biktima ang kanyang alaga, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Edwin Fajardo, ng 782 Int. 3 Solis St., Tondo sanhi ng palo sa ulo.

Pinaghahanap naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Shan Luntayao, 28, ng Dagupan Extn., Tondo na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi ng maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng suspect.

Bago ang insidente napag-alaman na masaya pang nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan.

Matapos ang inuman ay inihatid pa nito at ng kaibigang si Reginaldo Apilado ang kanilang kasamang sina Marilou Dayao at Maximiano Dayao sa labasan.

Pauwi na ang biktima at si Apilado at habang naglalakad ay biglang kinahulan ng aso ng suspect.

Napag-alaman na dahil sa inis ay binugaw ng biktima ang aso, gayunman nakita umano ito ng suspect na ilang sandali pa ay bigla na lamang hinataw ng kahoy sa ulo si Fajardo na naging sanhi ng agarang kamatayan nito. (Gemma Amargo Garcia)

Show comments