Ito ang inihayag ni DOLE Undersecretary Danny Cruz na siyang may direktang superbisyon sa grupo ni Jaylo sa PAIRTF.
Sinabi ni Cruz na simula pa noong July 9, 2005 ay nag-expired na ang appointment" ng grupo ni Jaylo at hindi na ni-renew ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bunsod na rin ng ibat ibang uri ng reklamo tulad ng ginagawa umanong hulidap ng ilang tauhan nito.
Ikinagulat din ni Usec. Cruz ang impormasyon na nakarating sa kanyang tanggapan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng pagsalakay at pag-aresto ng tauhan ni Jaylo sa ilang may-ari ng recruitment agency na pinaghihinalaang ilegal recruiter.
Sinabi ni Cruz na una na niyang pinagsabihan ang mga tauhan ni Jaylo na itigil muna nila ang kanilang operasyon makaraang hindi i-renew ng Pangulo ang kanilang extension ng kanilang termino.
Maaari rin umanong magreklamo ang sinumang magiging biktima ng grupo ng PAIRTF sa DOLE o kayay sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Gayunman, nilinaw ni Usec. Cruz na nananatili pa ring Director IV ng POEA si Jaylo sa kabila ng pagkakalusaw ng kanyang grupo. (Mario Basco)