Bodega ng shabu sa Caloocan sinalakay

Umaabot sa tinatayang multi-milyong halaga ng kemikal na gamit sa pagmamanupaktura ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sa isinagawang raid sa isang bodega sa Caloocan City.

Sinabi ni PNP-AID-SOTF chief Deputy Director Ricardo de Leon, dakong alas-6:30 ng gabi ng salakayin ng kanyang mga tauhan ang nasabing bodega na pinag-iimbakan ng mga pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu sa 27 Tirad Pass sa kanto ng Gen. Evangelista St., Brgy. 137, Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon kay de Leon, nakasamsam sa lugar ng 1,000 kahon ng naglalaman ng sari-saring uri ng kemikal na gamit sa pagmamanupaktura ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Kabilang sa mga nakumpiska ay ang thionyl chloride, pyridine, ethyl alcohol, acetone at chloroform.

Walang naaresto sa naganap na raid at pinaghahanap pa umano ang Fil-Chinese na si Tang Tao Tan na umuupa rito.

Sinabi naman ni Senior Inspector Victor Drapete, chemist ng PNP-AID-SOTF na posibleng ang nasabing bodega ay pinag-iimbakan lamang ng mga sangkap sa paggawa ng shabu na ibinibiyahe sa narcotics laboratory.

Ayon pa sa opisyal wala umanong business permit sa nasabing gusali ang caretaker ng bodega.

Nabatid na ang bodega ay pag-aari ni Hwa Ping na inuupahan naman ng Chinese na si Tan. (Joy Cantos at Rose Tamayo)

Show comments