Umawat sa away, napatay

Napasama pa ang ginawang pag-awat ng isang lalaki sa dalawang nag-aaway niyang kainuman nang siya ang mapagbalingan ng galit ng isa sa mga ito at pagsasaksakin hanggang sa mapatay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay sanhi ng tinamong mga saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Jerry Nantiza, 38, ng Pier 18, Tondo. Nakatakas naman ang mga suspect na nakilala lamang sa alyas na Entoy at Nilo.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa isang bakanteng lote sa Smokey Mountain sa Balut, Tondo kung saan nag-iinuman ang biktima kasama ang dalawang suspect.

Nang malasing na nagtalo sina Entoy at Nilo na inawat naman ng biktima. Natigil naman ang away ng dalawa na kapwa naman nainis sa biktima.

Mabilis na naglabas ng patalim si Entoy at saka sinaksak hindi sa kanyang nakaaway kundi sa umawat na biktima. Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspect na target ngayon ng manhunt operation ng pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments