Dakong alas-7:15 ng umaga kahapon nang makita ang Toyota Lite Ace van na may plakang TAH-958 na inabandona ng mga suspect sa Guevarra St sa kanto ng Del Monte Avenue sa Brgy. Paltok sa Quezon City.
Nakitang may mga bakas ng dugo at lantent prints sa loob ng sasakyan na pinaniniwalaang sa mga suspect.
Magugunitang si Ryan ay sapilitang kinuha ng mga suspect sa harap ng tinitirhan nitong Kingstown Tower.
Nanlaban ang mga guwardiya sa naturang condominium na pinaniniwalaang ikinasugat ng ilan sa mga suspect. Gayunman, dalawang guwardiya rin at tatlo pang sibilyan ang nadamay sa ginawang pagpapaputok ng mga suspect.
Samantala, kinastigo kahapon ni Citizens Against Crime and Corruption (CAAC) chairperson Teresita Ang-See ang Manila Police District (MPD) dahil sa pagpapabaya sa kampanya ng kidnapping at pagtatago sa tunay na kalagayan na pagiging talamak pa rin nito.
Sinabi ni Ang-See na mula noong Hunyo 17 hanggang Hulyo 18 ay may walong insidente na ng kidnapping ang naitala ng CAAC bagay na itinatago umano ng pulisya.
Kinontra rin nito ang inihayag ni Pangulong Arroyo sa kanyang SONA na ang kidnapping ay maituturing na "thing of the past" dahil sa tuluy-tuloy pa rin umano itong nagaganap hindi lang sa mga Tsinoy kundi maging sa mga purong Pilipino.
Sinabi nito na masyadong tinututukan ng mga awtoridad ang sunud-sunod na rali sa Kamaynilaan at ang terorismo ngunit napapabayaan na ang paglaban sa kidnapping. Wala rin umanong silbi ang ipinagmamalaki na police visibility sa mga exclusive schools ng mga Tsinoy at checkpoints dahil sa nakakatakas rin ang mga suspect.
Pinabulaanan naman ito ni MPD director Pedro Bulaong kung saan patuloy nitong iginiit na ang pagdukot sa 11-anyos na si Ryan Yu ay kauna-unahang insidente ng kidnapping na naitalaga sa lungsod ng Maynila.
Binanggit naman ni See na hindi naman sila nakikipagtalo sa pulisya ukol sa pigura ng kidnapping dahil nagiging isyu pa maging ang statistics nito na pilit na pinabababa ng MPD. (Doris Franche at Danilo Garcia)