Patay na nang idating sa Valenzuela City General Hospital sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa noo si Vanessa Sagun, 22, ng Sangoyo Compound, Brgy. Maysan ng nasabing lungsod.
Sumuko naman at nahaharap sa kasong parricide ang ama ng biktima na si Arturo Sagun, 49, tricycle driver ng nabanggit na lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ama. Nabatid na bago ang insidente, nagtatalo ang biktima at nakababatang kapatid nito na si Karen hinggil sa iringan sa trabahong bahay.
Nauwi sa murahan, batuhan ng mga ulam at sabunutan ang pagtatalo ng magkapatid hanggang sa madatnan ang mga ito ng kanilang ama na umuwing nakainom.
Dahil dito, agad na inawat ng suspect ang mga anak subalit hindi pa rin nagsitigil ang mga ito sa pagbabangayan hanggang sa kunin ng una ang kanyang baril at ipinanakot sa magkapatid.
Subalit sa halip na matakot ay sinunggaban ng biktima ang hawak na baril ng kanyang ama kung saan aksidente itong pumutok at tinamaan sa noo ang dalaga.
Mabilis na dinala sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na naagapan pa ang buhay, habang agad naman sumuko sa mga awtoridad ang suspect. (Ulat ni ROSE TAMAYO)