Pangongolekta ng buwis sa Caloocan mas bibilis

Upang lalong mapabuti ang kanilang pangongolekta ng buwis ay pinagkalooban ni Caloocan City Mayor Enrico "Recom" Echiverri ng sampung L-300 vans ang mga revenue collecting officers ng lungsod.

Sinabi ni Echiverri na malaki ang magiging tulong ng sasakyan sa mga kolektor dahil mapabibilis ang pagpunta nila sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod.

Kabilang sa mga binigyan ng sasakyan ay ang Business Permit and Licensing Office, Real Property Division, Land Tax Division at iba pang opisina sa ilalim ng City Treasurer’s Office.

Kasabay ng pagbibigay ng sasakyan ay hinamon ng alkalde ang mga empleyado na lalo pang palakihin ang kanilang koleksiyon at malaki ang naitutulong nito upang pondohan ang mga programa at proyekto ng lungsod.

Ayon kay Echiverri, hindi niya bibiguin ang mga mamamayan ng Caloocan kaya buong lakas niyang tutuparin ang ginawang panuntunan na "Buwis na Binayaran, Para sa Bayan!"

Siniguro ng alkalde na ang lahat ng ipinagkatiwala ng mga residente sa pamahalaang lungsod ay babalik rin sa tao sa pamamagitan ng mabuting serbisyo at mas maraming programa at proyekto para sa kanilang kabutihan. (Rose Tamayo)

Show comments