Ang pahayag ay ginawa ng naturang grupo bilang tugon sa pahayag ni Mel Tiangco sa isang news item nito na ang mga private emission test center sa bansa partikular sa Metro Manila ang dahilan kung bakit may mauusok pa ring mga pampasaherong sasakyan.
"Dapat sana inaalam muna niya kung saan nagpapa-emission test ang mga bus at jeep, kami naman more on private cars ang sumasailalim sa test namin," pahayag ni Tony Halili, Pangulo ng Private Emission Test Center Operators Association PETCOA.
Gayunman, sinabi ni Halili na handa sila na tanggapin ang mga bus at jeep na isailalim sa emission test kung ang mga ito ay papayag.
Ang LTO MVIS lamang ang nagsasailalim sa emission test sa mga pampasaherong bus at jeep dahilan sa mababang halaga lamang ang bayarin nila dito sa LTO.
Unang nakipag ugnayan ang mga transport groups sa Malakanyang na sa LTO MV18 na lamang isailalim ang emission test ng mga pampasaherong bus at jeep upang sila ay makamura sa bayarin dito at ang naturang kahilingan ay pinaunlakan naman ng Malakanyang.
"Kung ibibigay sa amin ang mga passenger bus at jeep, welcome ito sa amin, tatanggapin namin yan kahit paano dagdag kita din yan at may mga qualified personnel naman kami at sapat na kagamitan para maglaho na ang mga mauusok na sasakyan sa mga lansangan," pahayag pa ni Halili.
Sinabi pa nito na handa ang PETCOA na tulungan ang mga vehicle owners na maglaho ang maduduming usok ng kanilang mga sasakyan sa pamamagitan ng kanilang mga makabagong kaalaman at teknolohiya na ginagamit sa operasyon.
"Tutulungan namin sila kahit ang mga driver nila na ayusin ang kanilang mga tambutso at hindi na maging mausok ang kanilang sasakyan sa pamamagitan ng aming mga makabagong kagamitan at well trained na mga tauhan," dagdag pa ni Halili.