Ayon kay PNP chief Director General Arturo Lomibao, malabo na umanong makapanghikayat pa ng ipinagmamalaki ng mga organizers ng rally ng oposisyon ng target ng mga itong hanggang 3 milyong raliyista upang pagbitiwin sa puwesto si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Tinukoy ni Lomibao na pawang nabigo ang mga nakaraang kilos-protesta ng oposisyon dahilan sa maliit na grupo lamang ang sumasama dito kayat kumpiyansa silang hindi magtatagumpay ang hakbang.
Kasabay nito, tiniyak naman ng PNP na nakahanda ang kanilang puwersa na tapatan ang mga raliyista kung saan nakaalerto na ang may 6,000 puwersa ng Task Force Metro Manila Shield upang siyang mangalaga sa seguridad sa ilulunsad na rali.
Idinagdag pa nito, na bantay-sarado ngayon ang police intelligence agents kaugnay sa posibilidad na magsamantala at makisawsaw sa krisis sa pulitika ang mga terorista at mga rebeldeng grupo upang isabotahe ang mga demonstrasyon.
Samantala, itinuon na rin ng Western Police District (WPD) ang mala-batas militar nilang pagbabantay sa mga ilang lugar sa Tondo, Maynila na karaniwang pinanggagalingan umano ng mga hinahakot na tao para sumama sa mga kilos-protesta laban sa pamahalaang Arroyo.
Ito ang inihayag kahapon ni WPD director Pedro Bulaong bilang pagtalima sa kautusan ni NCRPO chief Director Vidal Querol para palakasin ang kanilang Task Force Manila Shield.
Matatandaan na binuo ang Task Force Manila Shield upang tiyakin na walang demonstrasyon na magaganap at hindi malulusutan ng mga raliyista kaugnay ng hindi pagpapalabas ng "permit to rally" ni Manila Mayor Lito Atienza sa mga grupong laban sa pamahalaan.
Ayon kay Bulaong, bukod sa Mendiola, Morayta at España mahigpit na rin ang isinasagawang pagbabantay at monitoring sa mga residente ng Tondo partikular na sa Baseco Compound, Isla Puting Bato at iba pang lugar na kilalang balwarte ni dating Pangulong Joseph Estrada. (Ulat nina Joy Cantos at Danilo Garcia)