Ex-pulis inatado ng kumpare

Isang dating pulis ng Central Police District (CPD) ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang kumpare, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang biktimang nakilalang si Armando del Rosario, 46, ng Subic St., Brgy. Damayan, habang pinaghahanap naman ang sinasabing kumpare nito na si Regelio Carato, 42, ng West Riverside ng nabanggit ding barangay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa bakanteng lote sa Caraga St., Brgy. Damayan.

Ayon sa mga saksi, nag-uusap umano ang biktima at suspect nang biglang magkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang huli at inundayan ng saksak ang biktima.

Nakailag sa unang saksak ang biktima hanggang sa minabuti nitong tumakbo palayo sa suspect. Subalit hinabol pa rin ito ng suspect hanggang sa nakorner sa Dario River. Dito ay pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima hanggang sa mahulog sa ilog.

Lumubog ang biktima kung saan humingi pa ng tulong sa Coast Guard para maiahon ang bangkay nito.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa naturang pamamaslang. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments