Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Lito Sanchez, ng Valenzuela Traffic Management Unit, apat pa lamang sa nasawi ang nakikilala, ito ay sina Jualito Javier; Ramon Yupangco; Joseph Balenzon Jr. at Oscar Monteverde, habang inaalam pa ang pangalan ng isa pang biktima.
Mabilis namang isinugod sa Valenzuela General Hospital ang mga sugatang biktima na nakilalang sina Mardan John Galvez; Mario Salonga; Jonas Cuizon, 20; Yoly Dantes, 44; Remy Gatchalian, 31; Oliva Donn, 23; at Amy Reyes, 36, na pawang mga pasahero sa jeep; Maricel Grivar, 22; Aida Perena, 40, mga pedestrian; Annaliza Culdusa, 22; Jackie Muro,25; Mary Soner, 20; at Lorensa Gapasin, 40, mga pasahero ng bus. Inaalam pa ang pangalan ng iba pang sugatan.
Sina Galvez at Salonga ay iniulat na nasa kritikal na kalagayan.
Naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga habang papasok ng Valenzuela City Toll gate ang BSTM bus (TWD-882) na may biyaheng Bagong Silang patungong Norte kung saan bigla na lamang itong nawalan ng preno pagsapit sa harap ng Royal Mall.
Dahil dito, una nitong inararo ang pampasaherong jeep hanggang sa sumalpok sa bangketa at diretsong bumangga sa isang pader at nagtuloy-tuloy sa ilalim ng tulay.
Sinuyod nito ang ilang mga vendor at mga bystander sa naturang lugar.
Ayon naman sa ilang testigo nakikipagkarera umano ang bus sa isa pang pampasaherong bus hanggang sa tuluyan na nga itong mawalan ng preno at inararo ang mga biktima.
Tumakas naman ang driver na si Manuel Guillermo at ang konduktor. Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga ito. (Ulat ni Ricky Tulipat)