Apat naman sa mga magsasaka ang inaresto ng Western Police District (WPD) nang magkaroon ng kaguluhan sa isinasagawang demonstrasyon sa may kanto ng Morayta at Recto Avenue, Sta. Cruz, nang pilitin ng mga ito na pasukin ang Mendiola sa kabila ng barikada ng mga pulis.
Nakilala ang mga nadakip na sina Eliseo Batardo, 39, magsasaka; Elmer Dayson, 53; at Bayani Enera, 35; Dadiosa Luyad, pawang mga miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Muli na namang nagkaroon ng pukpukan, batuhan at suntukan sa pagitan ng magkabilang-panig.
Agad namang pinalaya ang apat ng pulisya at ibinigay sa kustodya ng kanilang abogado na si Atty. Jobert Pahilga na nagbanta na kakasuhan ang mga pulis dahil sa ginawang panggugulo sa kanilang hanay sa kabila ng pagkakaroon nila ng "permit to rally".
Isiniselebra ng KMP ang anibersaryo ng pagtatatag ng Comprehensive Agrarian Reform Law kasama ang ilang militanteng grupo. Nauwi ang demonstrasyon sa panawagan na magbitiw na si Pangulong Arroyo dahil sa nawalan na umano ito ng kredibilidad at magkaroon na lamang ng "snap elections".
Bukod dito, nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga grupong Bayan Muna, Courage, Akbayan, AnakPawis, Pamalakaya at iba pa. Sinabi ng mga ito na nawalan na ng pabor ang administrasyon ni Pangulong Arroyo sa Estados Unidos dahil sa mga kapalpakan nito nang iatras ang puwersa ng militar sa Iraq, pagpapadalaw sa Prime Minister at pinuno ng sandatahang-lakas ng Tsina nang walang paalam sa US Embassy at pakikipagkasundo sa mga programang pang-ekonomiya dito. (Ulat ni Danilo Garcia)