Nakilala ang inaresto na si Tiu Fee Lam, 29, alyas Mike Tui, at George Tui, tubong-Beijing, China at residente ng #4009 Binondo, Manila.
Ang suspect ay ipinagharap ng kasong falsification of public documents ng mga biktimang sina Chiong Uy at So Kiat Yun Ong, pawang mga kababayan ng suspect at kasalukuyang residente ng #52 Gov. Pascual Avenue, Malabon City.
Sa ulat, dakong alas-2 nang madakip ang suspect sa tahanan nito sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Nicanor Manalo Jr. ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 4.
Sa pautal-utal na pananagalog ng mga biktima, sinabi ng mga ito na ginamit ng suspect ang kanilang mga pangalan at dinoktor ng suspect ang kanilang mga pirma sa isang business transaction.
Si Lam ay kasalukuyang nakapiit sa Malabon detention cell kung saan naglagak ang piskalya ng NMTC ng halagang P12,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal na pulisya ng Malabon sa Bureau of Immigration and Deportation kung may legalidad ang pagpasok ng suspect sa bansa. (Ulat ni Rose Tamayo)