Babae patay sa holdap

Patay ang isang 36-anyos na babae makaraang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin na humoldap sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Ang biktima na agarang namatay sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng baril sa ulo ay nakilalang si Gigi Fernandez, residente ng Sunnyville IV Subd. Brgy. Ampid San Mateo, Rizal. Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspect matapos pang kulimbatin ang mga gamit ng biktima.

Ayon kay PO3 Glen Aculana, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa kahabaan ng Kalamansi St., Doña Petra, Brgy. Concepcion Uno ng nabanggit na lungsod.

Nabatid sa saksing si Lilibeth Babona, 29, nakarinig siya ng isang putok ng baril mula sa labas ng kanyang bahay at nang silipin niya at ng kanyang mister ang pinagmulan ay nakita nila ang nakahandusay na biktima na kinakapkapan pa ng suspect na may taas na 5’5 talampakan.

Nakita rin nilang kinulimbat nito ang mahahalagang gamit ng biktima bago mabilis na tumakas.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para sa agarang ikalulutas ng kaso. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments