Jueteng sa Maynila, tuloy pa rin

Sa kabila ng kautusan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na "all-out war" laban sa jueteng, nakumpirma na tuloy pa rin ang ilegal na sugal sa lungsod ng Maynila matapos madakip ang walong kubrador sa Tondo.

Kasalukuyang nakaditene ngayon sa WPD Station 7 ang mga nadakip na mga kolektor na hindi pinangalanan kahapon ni WPD director Chief Supt. Pedro Bulaong.

Sa kabila nito, iginiit pa rin ni Bulaong na nananatiling walang operasyon ng mga bigtime na operator ng jueteng sa Maynila sa kabila ng naturang ebidensiya. Sinabi nito na mga small time operator lamang ang mga amo ng mga nadakip na mga kubrador at guerilla type ang sistema ng kanilang pagbola.

Puro pagtanggi rin ang ginawa ni Bulaong sa ulat na may basbas ang operasyon ng mga gambling lord na sina Tony "Orig" Santos, Joey Lozano at Danny Estanislao. Nag-ooperate rin umano ang mga ito sa mga lugar ng Divisoria, Moriones, Tondo.

Bukod dito, ilang miyembro rin buhat sa media ang umano’y tumatanggap ng jueteng payola sa naturang mga gambling lord.

Bukod sa jueteng, talamak rin sa Maynila ang ilegal na sugal tulad ng video karera, illegal bookies at sakla. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments