Ayon kay Elena Ruiz,district superintendent sa Makati malamang na tumaas pa ang bilang ng transferees mula sa pribadong mga paaralan ngayong school opening kumpara sa rumehistrong bilang noong nakaraang taon sanhi ng hindi mapigil na pagtaas ng matrikula.
Nabatid na mayroong 37-elementary at high school sa lungsod at umaabot sa mahigit 76,000 ang estudyante subalit taun-taon ay nadaragdagan ang bilang ng mga ito mula sa naglilipatang estudyante galing sa private schools.
Samantala, malamang na maputulan ng kuryente at tubig ang 21-elementary schools dahil sa pagbalewala umano ng DepEd officials sa mga hinaing ng mga guro at estudyante ng nabanggit na paaralan.
Ayon kay Dr. Evangeline Ladines, principal ng Upper Bicutan Elementary School, magiging kawawa ang mga estudyante ngayong school opening kapag itinuloy ni DepEd Taguig-Pateros Division Superintendent Rolando Magno ang paglabag sa isang memorandum kaugnay sa pagpapalabas ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) fund. (Lordeth Bonilla)