Dalaga tumalon sa condo, lasog

Lasug-lasog ang katawan ng isang 25-anyos na dalaga makaraang magpakamatay sa pamamagitan nang pagtalon sa ika-21 palapag ng isang kilalang condominium sa Ortigas, Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Sabog ang ulo at bali-bali ang buto sa katawan ng biktimang si Ana Camela Caudal, ng Philam Life Village, Las Piñas City matapos na bumagsak ang katawan nito sa ikalawang palapag buhat sa ika-21 palapag ng Pacific Place Condominium na matatagpuan sa kahabaan ng Pearl Drive, Ortigas Center ng lungsod na ito.

Ayon sa pulisya, dakong alas-6:10 ng gabi ng mapansin ng mga nagdadaang tao ang biktima na nakaupo sa gilid ng roof deck ng ika-21 palapag ng nasabing condominium.

Naalarma ang mga ito kaya ipinagbigay-alam nila sa mga security guard sa condominium ang nakita subalit ilang saglit ang nakalipas ay isang malakas na kalabog ang kanilang narinig at nakita na lang nila ang katawan ng biktima na bumagsak na sa ikalawang palapag ng condo.

Hindi pa mabatid ng pulisya kung bakit nagpakamatay ang biktima dahil ayaw ng magbigay ng pahayag ng mga kaanak nito hinggil sa naganap na insidente. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments