Umawat sa away ng kaibigan, napatay

Nasawi ang isang 21-anyos na binata makaraang awatin ang kanyang matalik na kaibigan sa isang away kung saan ito ang sumalo ng saksak na dapat sana ay sa huli, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Richard Aplaca, delivery boy, ng Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa tapat ng pinapasukan ng biktima na Elcano Bakery sa naturang lugar.

Napag-alaman na bago napatay ang biktima ay katatapos lamang nitong uminom sa isang beerhouse sa panulukan ng Padre Rada at Juan Luna Sts. sa Tondo kasama ang mga kaibigan.

Pagdating sa kanilang tinutuluyan ay nakasagutan ng kaibigan nito ang isang alyas Jojo na nauwi sa suntukan.

Dito na umawat ang biktima na siyang nakasalo sa pananaksak ng kalaban ng kanyang kaibigan.

Patuloy namang pinaghahanap ang tumakas na suspect na dala ang ginamit na patalim sa naganap na krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments