Ayon kay Dr. Prudencio Banzon Jr., head ng Supreme Court clinic, ikinuwarantin na sa Baguio City ang ilang empleyado ng SC na nagtungo sa lungsod at ang ilang Baguio based employees nito.
Aniya, nagpalabas na din ng kautusan si SC Chief Justice Hilario Davide na magkaroon ng vaccination at bigyan ng antibiotics ang mga empleyado ng SC sa Baguio upang matiyak na hindi na masusundan pa si Marlon Pascua, 40, ng Nara San Manuel, Pangasinan bilang biktima ng naturang sakit.
Sinabi pa ni Banzon na patuloy na ina-identify ang mga kawani ng SC na posibleng nakasalamuha ng matagal ni Pascua upang maisailalim na rin ang mga ito sa quarantine.
Idinagdag pa ni Banzon na nakikipag-ugnayan na ang city health officials ng Baguio City sa SC upang mabigyan agad ng nasabing vaccination ang mga kawani nito.
Batay sa rekord, si Pascua ay nagtungo sa Baguio City noong Abril 5, 2005 kasama ang secretary ni Associate Justice Alicia Austria Martinez na si Yolanda Mentoya.
Idineklara si Pascua ng Baguio General Hospital na biktima ng naturang sakit matapos na kakitaan ng mga sintomas ng meningo.
Samantala, nabatid na si Mentoya ay patuloy naman na pumapasok sa SC-Manila at malaki ang posibilidad na hindi naman ito nalantad sa naturang bacteria. (Ulat ni Grace Amargo dela Cruz)