Mister nangulila sa misis, nagbigti

Tinapos na ng isang mister ang kanyang pangungulila sa kanyang misis makaraang magbigti ito sa loob ng kanilang bahay sa Mandaluyong City.

Kahapon lamang natuklasan ang bangkay ng biktima na nakilalang si Bernie Dela Torre, negosyante, ng Unit A-11 Guevarra Townhomes Calbayog St., Brgy. Addition Hills ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:45 ng umaga ng mangahas nang pasukin ng kanyang mga kapitbahay ang bahay nito matapos na hindi na matiis ang mabahong amoy na nagmumula sa loob ng bahay.

Pag-akyat nila sa ikalawang palapag ng bahay ay tumambad na ang naaagnas na katawan ng biktima na nakabitin sa kisame.

Hinala ng pulisya ay dalawang araw ng patay ang biktima.

Napag-alaman pa sa isinagawang imbestigasyon na hiniwalayan ng kanyang misis ang nasawi noon pang Disyembre at mula noon ay lagi na lang itong naging malulungkutin.

Pinaniniwalaang labis itong nangulila sa asawa kaya nagpasya na lang itong magpakamatay. Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matiyak na walang naganap na foul play sa insidente. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments