Rent-a-car gagamitin ng mga terorista

Binalaan ng Department of Justice (DoJ) ang mga may-ari ng rent-a-car business na maging maingat dahil posibleng ang kanilang sasakyan ang gamitin ng mga terorista sa paghahasik ng kaguluhan sa bansa, partikular na sa Metro Manila.

Ito ang impormasyon na natanggap ng DoJ matapos na salakayin ang safehouse ni Tyrone David Santos, alyas Daud Muslim Santos.

Ayon kay State Prosecutor Emmanuel Velasco, piskal na humahawak sa kasong kriminal ni Santos, nakuha mula sa safehouse nito sa Fairview, Quezon City ang mga classified ads ng rent-a-car business.

Binigyang-diin ni Velasco na inamin sa kanya ni Santos na plano ng kanilang grupo na ang mga inaarkilang sasakyan ang siyang gagamitin sa paghahasik ng terorismo sa Metro Manila.

Katwiran umano ng kanilang grupo na ang paggamit nila ng car bomb ay upang hindi sila mahuli ng mga awtoridad o di kaya’y hindi maisailalim sa surveillance.

Bunga nito ay sinabi ni Velasco na dapat suriin munang mabuti ng mga rent-a-car owner ang mga umaarkila ng kanilang sasakyan. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments