Nanghuhuli ng gagamba: 2 bata lunod sa ilog

Bangkay na nang matagpuan ang dalawang batang lalaki makaraang mahulog sa ilog habang nanghuhuli ng gagamba sa Marikina City.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Patrick Sensoy, 6 ng Gen. Trias, Cavite at Ar-Jay Noel, 6 ng Aries St. Camacho Compound Brgy. Nangka, Marikina City.

Sa ulat ng pulisya, nagkayayaang manghuli ng mga gagamba ang biktima dakong alas-4:45 ng hapon noong Huwebes Santo subalit hindi na nakauwi pa ang mga ito sa kanilang bahay na naging dahilan upang hanapin ng kanilang mga magulang.

Lalong kinabahan ang mga magulang ng biktima nang isang pares lamang ng tsinelas ang nakita sa tabing ilog.

Mabilis namang nagsagawa ng paghahanap ang mga tauhan ng Phil. Coast Guard sa kahabaan ng ilog subalit alas-12:45 ng madaling-araw noong Biyernes lamang nakuha ang bangkay ni Sensoy. Makalipas ang limang oras katawan naman ni Noel ang lumutang sa Marikina River.

Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na nadulas ang mga biktima hanggang sa mahulog sa ilog at malunod. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments