Nakilala ang nadakip na si Liang Cai Ling, 28, nanunuluyan sa Peace Hotel sa Binondo, Manila.
Sa ulat ng WPD-Station 5, nadakip ang suspect dakong alas-4 ng hapon matapos na ireklamo ni Maritess Laudin, 26, teller ng Triple M Money Changer sa may M.H. del Pilar, Ermita.
Ayon kay Laudin, nagpapalit umano si Liang ng pitong US$100 na umabot sa halagang P37,000. Nagduda agad ito nang mapansin na balisa si Liang habang hinihintay ang kanyang pera.
Sa unang tingin umano ay halos orihinal ang naturang mga dolyares kaya naibigay niya ang katumbas na halaga nito. Ngunit nang isailalim nila sa makina ay nadiskubre nila na peke ito.
Agad na humingi ng tulong sina Laudin sa pulisya kung saan nasakote ang suspect sa loob ng minamaneho nitong Mitsubishi Lancer (WCN-628). Umaabot sa 20 piraso ng mga pekeng dolyares ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Nadiskubre naman na bukod sa Triple M, nabiktima na rin ni Liang ang WF and S Money Changer sa may Padre Faura na natangayan umano ng higit sa P100,000 at ang Sheriff Money Changer na natangayan naman ng halagang P54,000 sa loob ng isang buwan.
Hinala naman ng pulisya na miyembro ng isang sindikato ng mga Chinese ang suspect na gumagawa ng mga pekeng dolyares at pera kung saan si Liang lamang ang tagapalit nito. (Ulat ni Danilo Garcia)