76 anyos na mister nagbaril sa sarili

Masusing iniimbestigahan ngayon ng Central Police District-Criminal Investigation Division (CPD-CID) ang pagkamatay ng isang 76-anyos na mister na natagpuang patay, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Isang tama ng bala ng baril sa dibdib ang kumitil sa buhay ni Mario Pascual, ng Narig St., Project 7 ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:05 ng hapon sa loob ng tahanan ng biktima.

Nakarinig na lamang ng putok ng baril ang katulong ng biktima at nang puntahan niya ang amo ay nakita niya itong naliligo sa sariling dugo.

Walang nakuhang anumang suicide note sa biktima, samantalang narekober sa tabi nito ang isang .38 kalibreng baril na ginamit nito sa pagpapakamatay.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments