Masahista, inatado ng mga adik

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 38-anyos na masahista makaraang mapagtripan ng mga hinihinalang addict kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Ramon Peñaranda, ng 214 Camias St. Tondo, Maynila sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang mga suspect na pinaniniwalaang kilala ng biktima.

Sa ulat ni Det. Rodel Benitez ng WDP- Homicide division, dakong alas 11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa hagdanan ng 222 C. P Garcia ng nasabi ding lugar.

Nabatid na maghahatid ng pagkain ang biktima sa kanyang kapatid sa ikatlong palapag ng nabanggit na gusali nang tawagin umano ito ng mga suspect.

Posible umanong pinagtripan ng mga addict at nanlaban naman ang biktima kung kaya’t tuluyan na itong pinatay sa saksak. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)

Show comments